15.4.10

Paalam Old NIP

Pawang isa ng ghost town ang Llamas hall...
Wala ng tao masyado...
ang mumunting gusali ay iniwan na halos lahat ng mga taong naglalagi dito...
Wala na ang pakiramdam ng pagkaabala...
wala na akong nakikitang mga taong akyat-panaog sa mga hagdanan ng gusali...
Wala na akong naririnig na ingay ng mga usapan, tsismisan, kamustahan, tawanan, at sigawan sa pasilyo...
Wala na ako masyadong nakakasalubong na tao na ngingitian at nakakawayan...
Wala na rin sa gusaling ito ang mumunting tahanang aking pinaglagian ng mahigit sa apat na taon...
Bilang na lang ang mga taong pansamantalang mananatili sa gusali ni Llamas...
Sa paglipat, madaming mga bagay ang siguradong hinding-hindi natin makakalimutan...
Ang mga bulaklak sa nahuhulog sa daan tuwing sasapit ang tag-araw na tila'y mukang dilaw ng niebe dahil sa dami nito...
Ang pagbalot ng puting usok na ibinubuga ng tanke ng LN2 tuwing umaga sa kalsada na pawang ginagawang dagat ng usok ang daan...
Ang madidilim na pasilyo ng gusali sa tuwing mawawalan ng ilaw at ang kasabay ng pagdagsa ng tao sa pulsayd...
Ang mga pagdiriwang, mapalaboratory man o buong NIP, na ginaganap buong taon...
Alam kong bawat isa sa atin ay may mumunting ala-ala sa iiwanang gusali...
Sa paglisan natin dito, wag sana nating kalimutang sa gusaling ito tayo nagsimula, sa gusaling ito natin nakilala ang mga taong makakasalamuha natin sa pananatili natin sa ating unibersidad, at mga taong makakasama natin sa panghabangbuhay...
Sa pagtanaw ko sa mga bakanteng silid at pasilyo, nais kong magpasalamat at magpaalam...
Salamat sa mga memorya't karanasang ibinahagi mo sakin...
Paalam Old NIP, paalam...

2 comments: